Laging bumabaha sa loob ng bahay namin tuwing umuulan. Kung kaya't inutusan ako ng nanay ko pinturahan ang bubong para takpan ang mga posibleng butas o daanan ng tubig-ulan. At dito ipinanganak ang una kong dibuho. Ginawa kong malaking canvas ang bubong namin. Paglipas ng halos labinglimang taon, ngayon ko lang ulit ito sinubukan. Isinalin ko ang aking pag-aalinlangan bilang kaligayahan ng aking puso. Sa tuwing inihahagod ko at ikinakalat ang pintura, alaala ng aking kamusmusan ang tangan ko sa isip. Kasabay nito ang pakikinig sa mga tulang aking naisulat at binigkas.
Ang obrang ito ay likha ng hindi pintor kundi ng makatang sinisikap ipinta ang mga salita.